Sunday, July 22, 2007

Umaga

Kung ituring ko dati ang umaga ay pangkaraniwang bahagi lang ng isang araw,
subalit ngayon ay medyo nag-iba na at nakikita ko na ang kahulugan nito.
Tuwing umaga'y may bagong simula.
Mayroon akong panibagong pagkakataong makabawi
sa mga nagawa kong kapalpakan kahapon.
Mayroon na namang panibagong matututuhan at matutuklasan.
Tuwing umaga'y laging sariwa bagamat panis man ang laway.
Ang sarap ng gising ko! Ang gaan ng pakiramdam!
Ganadong-ganado at puno ng enerhiya upang simulan
ang mga nakatakdang gawain para sa araw.
Tuwing umaga'y sumisikat ang araw.
Marami pa ang oras na nalalabi upang gabayan ako ng kanyang liwanag,
kaya dapat ay samantalahin ko ang pagkakataon upang hindi mapuyat mamayang gabi.
Sapagkat kapag ako'y napuyat ay tatanghaliin na ang aking gising at
hindi ko na masasaksihan ang kagandahan ng umaga.
Higit sa lahat lalamig na yung almusal.
Tuwing umaga'y masarap ang agahan.
Laging mabigat sa tiyan ang inihahain sa hapag namin
upang dagdagan ang lakas at enerhiya ng aking katawan para sa mga nakatakdang gawain.
Ang umaga ay pag-asa.
Ito ang pinakaunang biyayang ibinibigay sa akin ng Panginoon.
Buti na lang ay hindi nauubusan nito. Paano kaya kung mangyari iyon?
Makakakain pa kaya ako ng tapsilog? Mapapaarawan pa kaya ang mga sanggol?
Matetext ko pa kaya ng "Gud am" ang crush ko?
Mapapanood ko pa kaya ang Ultraman at Doraemon?
Isipin pa lang ay nakakatakot at masakit na, kaya't sana'y huwag mangyari.

No comments: